Paano kung si Mamang Pulis ang Kriminal?

UP Baguio Outcrop
UPB Outcrop
Published in
5 min readDec 31, 2020

--

ni Joemariequeen Del Rosario

Sa darating na bagong taon ay ipinagbabawal na raw ang mga paputok. Maraming maaaring maaksidente at hindi na kakayanin pa ng mga ospital na asikasuhin ang mga ganitong kaso. Kaya naman silang mga may baril at bala, sinisiguradong pulido at tiyak na hindi na makakaabot pa sa ospital ang kanilang mga biktima. Para nga naman wala nang makapag-sumbong at makaalam pa ng mga karumaldumal na senaryong sinasapit ng mga ordinaryong mamamayan.

Subalit hindi nagsisinungaling ang datos kung ilang libong inosente na ang pinagbintangan, hinuli, at pinaslang sa ilalim ng rehimeng Duterte. Hindi lumilipas ang isang araw na walang nababalitaang kaso ng pag-patay o panghuhuli na naganap sa kahit anong parte ng bansa. Nariyan may binaril na naman sa ilalim ng sikat ng araw, may pinagsasaksak pagsapit ng gabi, at may hinuli na namang progresibo dis-oras ng hatinggabi. Tila nagbubulag-bulagan ang mga nasa kinauukulan sa mga ganitong kaso at kinokondisyon tayo na eto na ang new normal para sa atin — ang matunghayan ang kultura ng impunidad na bumubungad sa atin bawat araw.

Dibuho ni Jethro Bryan Andrada

Sa haba ng panahon na naka-home quarantine, ugali ko nang magbukas ng social media at abutin ng oras-oras kaharap ang mga letra, litrato at bidyong madadaanan sa aking news feed. Samu’t saring mga bagong balita ang nababasa ko at malimit dito ay ang mga bulalas ng mga opisyal ng pamahalaan na araw-araw yatang may bagong pakulo at polisiya na lalong magpapahirap sa mga mamamayan. Madalas din ang mga komento na kung hindi sinisisi ang oposisyon ay ipinagtatanggol naman ang mga kapwa nila opisyales na gumawa ng kapalpakan.

Linggo ng gabi nang mapadaan ako sa isang nakababahalang bidyo ng isang lalaking may hawak na baril at galit na galit sa lalaking yakap-yakap ng kanyang ina. Tumindig ang balahibo ko nang hindi ko inasahang tuluyang ipinutok nito ang baril ng apat o limang beses at iniwang walang buhay ang mag-inang Sonya at Frank Gregorio. Tila sanay at ganon na lamang kadaling kumitil ng buhay para sa pulis na si Jonel Nuezca na walang awang pinagbabaril ang mag-ina sa harap mismo ng kanyang sariling anak.

Para sa ating mga taga-masid, nagdulot ito ng pagkabahala at pangamba lalo pa’t galing sa hanay ng kapulisan ang suspek sa pagpatay — isang pulis na nangakong pagsisilbihan at poprotektahan ang mamamayan. Ang bidyo rin marahil ang nagpakilos at nagpagalit sa karamihan nang dumagsa ang halo-halong pangungundena sa kapulisan. Umasa tayo na may magbabago o kahit pag-amin at pagkundena manlang mula sa pamahalaan at sa matataas na opisyales ng kapulisan, ngunit halos walang bago, walang pagkabahala sa paulit-ulit na kaso at nadagdag lamang ito sa tambak na isolated cases na sangkot ang kapulisan. Siguro nga’y nakasanayan na sa haba nga naman ng panahon at kasaysayan ng pang-aapi at pamamasista ng mga armadong pwersa ng estado lalo pa’t ngayon ay may kumpas ng kumander nilang si Duterte. Dinepensahan pa ng naratibong hindi lahat ng pulis ay masama at mamamatay tao. Mas marami pa rin daw ang mabubuting pulis — “Few bad apples,” ika nga nila.

Tama, hindi nga naman lahat ng pulis ay masama at pumapatay. Marami sa kanila ang nagbibingi-bingihan at nagbubulag-bulagan lang sa hirap at kalupitan na dinaranas ng mamamayan sa kamay ng kapwa nila mga pulis. Ngunit hindi ganitong klaseng mga ‘taga pagtanggol’ ang kailangan natin ngayon lalo pa’t maraming inosenteng buhay na ang nasaalang-alang at nasawi dahil sa “iilan” na pulis na mapang-abuso sa kapangyarihan at ginagamit ang kanilang baril at bala upang takutin ang mamamayan. Hindi natin kailangan ng maraming mabubuting pulis na hinahayaan lamang ang “iilang” pulis na ipagpatuloy ang sistemang mapang-abuso. Ang kailangan natin ay hanay ng mga tunay na pumapanig sa malawak na hanay ng mamamayan at tumitindig sa sinumpaang kredo na “to serve and protect” upang tuluyang baguhin ang kasalukuyang sistema na nagsisilbi lamang sa iilan.

Hindi ito panahon ng pagsasalba sa reputasyon ng kapulisan na matagal naman nang bulok at atrasado. Hindi mahirap hingin ang respeto. Sa katunayan, kusa na dapat itong ibinibigay sa bawat isa at hindi na kailangang pagmakaawaan pa. Subalit, paanong rerespetuhin ang hanay ng kapulisan kung sila mismo ay walang pagkilala sa karapatan at buhay ng tao?

Maraming parehong senaryo o di kaya’y mas malala pa na sangkot ang kapulisan ang hindi nagawang kunan ng lente ng kamera at i-upload sa social media. Marami sa kanayunan kung saan halos araw-araw ay hina-harass ng mga pulis at sundalo ang mga katutubong ipinaglalaban ang kanilang buhay, lupa at karapatan. Kabilang dito ang mga kaso ng “nanlaban” at pagtatanim ng ebidensya na naitala sa ilalim ng giyera kontra droga. Marami rin pulis at sundalo ang nasa likod ng napakaraming kaso ng pagpapataw ng trumped-up charges laban sa mga progresibo, pagtatanim ng mga baril at granada bilang ebidensya at paparatangang terorista.

Tila sadya at kinokondisyon talaga tayong mga mamamayan na ganitong mga kaso ang kailangan nating harapin sa bawat araw. Higit pa rito, ginagamit ang mga kaso tulad nito upang isulong ang death penalty, ngunit paanong naging katumbas na parusa sa pagpatay ang pagpatay? Lalo pa’t sa makupad at hindi pantay na sistema ng hustisya sa ating bansa ay maliliit na mamamayan na naman ang magigipit sa nakaambang panukala na ito.

Walang perpektong institusyon, subalit para sa isang institusyon na simula’t sapul pa lamang ay hinulma na upang supilin ang kalayaan at karapatan ng mamamayan sa ngalan ng kapitalistang oryentasyon ng “peace and order” tila kolateral na lang ang mga buhay na sinira at kinitil. Mula sa pang-aapi sa mga maralitang lungsod hanggang sa pagpapalaganap ng karahasan sa kanayunan, ang armadong pwersa ng estado mismo ang nagpapatunay na sila ang terorista. Maaaring sabihing hindi lahat at may natitira pang ilang mabubuti na umaasa sa mataas na sweldo at benepisyo at pumasok sa institusyon sa pagaakalang doon nila tunay na mapagsisilbihan ang mamamayan. Subalit nandoon ang tunggalian — nasa hanay ng mabubuting pulis at ang institusyong nagluluwal ng mapang-aping sistema na kanilang kinabibilangan. At kung tunay ngang may natitira pang mabubuting pulis, sila mismo ang kukundena at tutuligsa sa sistemang mapang-api na namamayani sa hanay ng kapulisan. Tangan ang kanilang mga armas, nasa kanila ang tanging pagpapasya kung aling panig ang tunay na nagsisilbi at nagpo-protekta sa mamamayan — ang armadong pwersa ng estado o ang armadong pwersa ng masa.

--

--